Tila binigyan pa ng partida ng San Juan Knights ang Nueva Ecija MiGuard sa kanilang paghaharap sa Maharlika Pilipinas Basketball League Lakan Cup. Binawi ng mga manlalaro ni Coach Randy Alcantara ang 15-6 na bentahe ng kanilang kalaban upang makuha ang kanilang ika-siyam na sunod na panalo sa nasabing torneo at magtala ng bagong MPBL record na pinakamagandang panimula sa torneo.
Habang naglalaro sa kanilang home floor na Filoil Flying V Centre, ipinamalas ng Knights ang kanilang kakayahan sa opensa sa huling limang minuto ng ikalawang yugto upang maitala ang 55-38 na kalamangan. Hindi na nakabawi pa ang Nueva Ecija at natapos ang laro sa iskor na 109-95. Ito ang ika-anim na pagkatalo ng mga bisita.
Pinangunahan ni John Wilson ang Knights sa pamamagitan ng kanyang 26 na puntos, tatlong rebound, tatlong assist, at limang steal. Nagdagdag naman si Mark Cardona ng 18 puntos, anim na rebound, at tatlong assist. Nagtapos si Jhonard Clarito na may 14 na puntos, limang rebound, apat na assist, dalawang steal, at dalawang tapal. Nakapagtala naman si Larry Rodriguez ng 13 puntos.
Si Marlon Monte ang namuno sa Nueva Ecija matapos makakuha ng 26 puntos, pitong rebound, at apat na assist. Sinuportahan naman siya ni Jimbo Aquino na may 13 puntos, si Martin Gozum na may 11, at ni John Paul Sarao na nagtapos na may sampung puntos.
Dinomina ng Knights ang kanilang kalaban sa rebounds (50-35), assists (30-19), at steals (17-9). Meron din silang 44-31 na bentahe pagdating sa mga buslo na nai-shoot. Mayroon lamang 15 turnover ang Knights sa buong laro, higit na mas kaunti sa 24 ng koponan ni Coach Eric Gascon.
Susubukan ng San Juan Knights na makuha ang kanilang ika-sampung panalo sa Agosto 19 laban sa Cebu City Sharks – Casino Ethyl Alcohol sa Cuneta Astrodome sa lungsod ng Pasay. Muli naman maglalaro ang Nueva Ecija kontra sa Imus Bandera – Khaleb Shawarma sa Agosto 20 sa Batangas City Coliseum.